Babaylan
Pinagmulan ng Katawagan
Ang salitang babaylan ay sinasabing mula sa mga Classical Malay na salita tulad ng belian, balian, o waylan na nangangahulugang "spirit medium". Sa Kinaray-a ng Antique at ilang bayan sa Iloilo, ginagamit ang bayi at baylan. Ang bayi ay karaniwang tumutukoy sa nakatatandang babae.
Ang Papel ng Babaylan sa Lipunan
Kilala ang babaylan bilang tagapamagitan ng tao at ng mga diwata, manggagamot ng katawan at kaluluwa, at tagapayo ng datu sa usapin ng relihiyon, medisina, at mga pangyayari sa kalikasan.
Ayon sa sinaunang paniniwala, espiritu ang pumipili sa tao para maging isang babaylan. Madalas itong lumilitaw sa panaginip, pangitain, o kakaibang karamdaman.
Isa sa mga ritwal na kanilang isinasagawa ay ang batak dungan. Sa ritwal na ito, nakikipag-ugnayan sila sa mga ninuno at espiritu ng kalikasan upang maibalik ang dungan—ang kaluluwa ng tao—na maaaring nakawin o paglaruan ng masasamang espiritu. Kapag nawala ang dungan, nagiging mahina at sakitin ang tao.
Isinasagawa rin nila ang maganito, isang seremonya na may kasamang panalangin, awit, sayaw, at handaan para sa mga anito. Karaniwang may alay na kinatay na baboy. Ayon kay Pigafetta, nakita niyang sumasayaw ang mga tao paikot sa baboy habang ginaganap ang ritwal. Ang mga anito—mga kaluluwa ng yumao, diwata, at espiritu ng kalikasan—ang nagsisilbing tulay upang maiparating ang panalangin at kahilingan kay Bathala. Maaaring ito’y para sa masaganang ani, paggaling ng karamdaman, kasal, panganganak, o maging unang regla.
Bagama’t karamihan sa mga babaylan ay babae, may mga lalaking tumanggap din ng tungkulin sa pamamagitan ng pagiging asog—mga lalaking nagbibihis at kumikilos na parang babae upang makapagsagawa ng ritwal. Sa kalaunan, lumitaw ang mga lalaking babaylan na hindi na tinatawag na asog ngunit patuloy na nagbibihis babae sa tuwing sila ay nagriritwal.
Sa ika-19 na siglo, nakilala si Estrella Bangotbanwa, tinaguriang Tagsagod kang Kalibutan o Caretaker of the World. Pinaniniwalaan siya ang nakapagpatigil ng tatlong taong tagtuyot sa Miag-ao at San Joaquin, Iloilo sa pamamagitan ng kanyang ritwal ng pagtawag ng ulan. Hanggang ngayon, binabanggit pa rin ang kanyang pangalan sa ilang seremonya.
Babaylan Laban sa Pananakop
Mula ika-16 na siglo hanggang sa unang bahagi ng ika-20 siglo, nayanig ang Panay sa mga pag-aaklas na pinamunuan ng mga babaylan laban sa mga misyonerong Espanyol. Ilan sa mga prayle ay nilason o pinaslang gamit ang sibat, at ang mga bayan ng Lambunao at Tubungan sa Iloilo, gayundin sa Antique, ay nagsilbing mga kuta ng kanilang kilusan.
Kasabay ng paglaganap ng Katolisismo, sinimulan ang marahas na pag-uusig sa mga babaylan at kanilang mga tagasunod. Kinumpiska at sinunog ng mga Espanyol ang kanilang mga idolo upang burahin ang katutubong pananampalataya. Gayunman, nanatili ang bakas ng lumang relihiyon at patuloy itong naging tinik sa paningin ng mga mananakop.
Pinasama ng mga Espanyol ang imahe ng mga babaylan. Tinawag silang mga mangkukulam at tagapaglingkod ng demonyo. Ang kanilang mga ritwal ay pinalabas na panlilinlang, kaya’t itinuring silang mga kaaway ng simbahan.
Ang Babaylan sa Makabagong Panahon
Kung dati, pinipili ng mga espiritu ang isang babaylan sa pamamagitan ng hindi maipaliwanag na karamdaman, mga pangitain o panaginip, ngayon ay hindi na ganoon ang proseso. Kung pakiramdam mo na tinatawag ka para maging babaylan, maaari kang maghanap ng isang babaylan na handang mag-tupad o mag-initiate sa’yo. Gaya ng naranasan ko, dumaan ako sa ganitong ritwal kung saan nag-alay ng hayop para ikapit sa akin ang aking mga abyan na gagabay sa akin bilang isang babaylan.
Hindi na rin tulad noon na kapag lalaki ay kailangang magbihis-babae sa tuwing may ritwal. Sa karanasan ko, hindi ko na ito naranasan, bagama’t maaaring may ilan pa ring gumagawa nito sa ibang lugar.
Patunay lamang ito na nananatili pa rin ang tradisyon. Pareho pa rin ang layunin at tungkulin, nag-iiba lang ang pamamaraan depende sa gabay ng mga espiritu at sa personal na ugnayan ng babaylan sa kanila.
Mga Sanggunian- Maria Milagros Geremia-Lachica — Panay's Babaylan: The Male Takeover
- James Loreto C. Piscos — Demonization and Sanctification of Indigenous Feminine Roles in the 16th Century Philippines
- Z.A. Salazar — Ang Babaylan Sa Kasaysayan ng Pilipinas