Ano ang Gayuma sa Pag-ibig?
Marami sa atin ang nag-iisip na ang gayuma ay isang uri ng likido na nagtataglay ng kapangyarihan na paibigin, o halinahin ang isang tao. Ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan, ito o kilala din sa tawag na “love potion", ay isa lamang sa mga uri ng gayuma.
Bukod sa love potion, anu-ano pa ba ang iba’t ibang uri ng mabisang gayuma upang akitin, o paamuhin ang isang tao?
Gayuma Gamit ang Buong Pangalan at Larawan
Ito ay isang uri ng karaniwang gayuma na ginagamitan lang ng buong pangalan, o larawan ng taong gagayumahin. Isinusulat sa isang piraso ng papel ang buong pangalan ng gagawan ng gayuma, at inilalagay ito sa ilalim ng unan ng gumagayuma sa kaniya. Mas nagiging mabisa daw ito kung larawan ang gagamitin. Ginagawa ito upang laging tumakbo sa isipan ng ginagayuma ang gumagayuma sa kaniya.
Gayuma sa Titig
May mga taong may angking kakayahan sa paggawa ng mga ritwal na nakagagawa nito. Tititigan lang niya ang isang tao habang iniisip na ginagawa nito ang kaniyang gusto. Mayroon ding ginagawa ito habang umuusal ng orasyon.
Gayuma Gamit ang Laway
Karaniwang paniniwala na ito ng mga Pinoy na ang paglalagay ng laway sa pagkain, o inumin ng isang tao ay magiging daan upang mapaamo ito.
Gayuma Gamit ang Buhok
Buhok, kuko, damit, panyo, at iba pang pagmamay-ari ng isang tao ay maaari ding gamitin sa gayuma. Maaari daw itong dasalan upang balisain ang isang tao hanggang sa gawin nito ang gusto ng gumagawa ng ritwal.
Gayuma Gamit ang Pabango
Naglipana ngayon sa internet ang uri ng gayuma na kagaya nito. Marami sa kanila ang nagsasabi na gawa pa daw ito ng mga manggagayuma sa Siquijor at Quiapo. Ayon sa kanila, kailangan lang na haluan ito ng pabango at gamitin sa tuwing makakasama o makakasalubong man lang ang taong inaakit. Maaari din daw itong gamitin sa negosyo upang makaakit ng mga kustomer.
Bukod sa mga nabanggit, marami pang mga paraan na ginagamit sa panggagayuma.
Kung isa ka sa mga taong gumagawa ng gayuma na nakikita lang sa internet, mag-ingat dahil maaaring magkaroon ng masamang epekto ito sa iyo. Ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
☀ Makaakit ka ng masasamang ispirito na manggugulo sa iyo. Maaaring guluhin ka nila sa panaginip, at bigyan pa ng kamalasan.
☀ Hindi tumalab ang gayuma na iyong ginawa, at nagkaroon pa ito ng masamang balik sa iyo. Ito ay madalas na nangyayari sa mga taong baguhan pa lamang sa larangang ito.
☀ Bumaliktad ang epekto ng gayuma. Nangyayari naman ito kung may proteksyon ang ginayuma, o komusulta siya sa isang manggagamot.
Upang maiwasan ang mga negatibong epekto, kailangan na sumunod sa tamang proseso, at tanging ang mga may kaalaman at karanasan lang sa paggawa ng ritwal ang nakakaalam nito.
Subscribe to:
Posts (Atom)